
Ni Vhioly Rosatazo
STA. MARIA, Bulacan — Pinangunahan ni Congressman Salvador Aquino Pleyto ang isang malawakang talakayan bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran sa mga paaralan sa bayang ito na parte ng ika-anim na distrito ng Bulacan.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga school head, guro mula sa iba’t ibang paaralan, mga opisyal ng Philippine National Police, at iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan.
Kabilang din sa mga dumalo sina Mayor Omeng Ramos, Mayor Jowar Bautista, Bokal ART Legaspi, at Bokal Jay de Guzman, gayundin ang mga kinatawan nina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro.
Sa pagpupulong, tinalakay ang mga hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mag-aaral laban sa iba’t ibang banta tulad ng bullying, karahasan, ilegal na droga, kriminalidad, at iba pang insidenteng maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral.
Napag-usapan din ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at kapulisan, pagpapalawak ng mga information campaign, at paghahanda sa mga posibleng emergency.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cong. Pleyto na ang ligtas na paaralan ay pundasyon ng de-kalidad na edukasyon.
“Hindi magiging ganap ang pagkatuto kung walang katiyakan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro sa loob at labas ng paaralan,” ani Pleyto.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan, Department of Education, kapulisan, mga magulang, at buong komunidad upang mapanatiling ligtas ang bawat paaralan. Ayon sa kanya, ang edukasyon ay isang mahalagang pamumuhunan para sa kinabukasan ng kabataan.
Sa pagtatapos ng programa, nanawagan si Cong. Pleyto sa lahat ng sektor na ipagpatuloy ang pagkakaisa at pakikipagtulungan upang matiyak na ang bawat silid-aralan ay mananatiling ligtas na tahanan ng pagkatuto, paghubog ng mabuting asal, at pag-abot ng mga pangarap ng kabataang Pilipino.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si dating First Councilor Badong Pleyto sa matagumpay na pagsasagawa ng talakayan at hinikayat ang mga dumalo, lalo na ang mga magulang, na isabuhay ang mga natutuhan mula sa programa. Nagpasalamat din sina DC George Bautista at Liza Ramirez sa patuloy na suporta sa mga programang pang-edukasyon at pangkaligtasan.

Pinangunahan ni Congressman Salvador Aquino Pleyto ang isang malawakang talakayan ukol sa School Safety Program kasama ang mga guro, school head, at mga opisyal ng Philippine National Police upang higit pang mapalakas ang seguridad at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga paaralan. (Mga Larawan Mula Itaas Kuha ni Roel Arizala)