MANILA – Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa tatlong umiiral na sistemang pang-panahon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.
Sinabi ng PAGASA na ang shear line na nakaaapekto sa Southern Luzon ay magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong thunderstorms sa Bicol Region, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan. Posible umanong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga nasabing lugar.
Makakaranas naman ng bahagyang pag-ulan ang Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Aurora dahil sa northeast monsoon o “amihan,” na magdudulot din ng panaka-nakang mahinang ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Samantala, ang easterlies ang magdadala ng mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms sa nalalabing bahagi ng bansa.
Magpapatuloy rin ang katamtaman hanggang malakas na hangin sa Luzon na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan. Sa iba pang lugar, inaasahang banayad hanggang katamtaman ang lakas ng hangin at bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng dagat.
Dagdag ng PAGASA, wala pa silang binabantayang low pressure area na posibleng maging bagyo hanggang alas-2 ng madaling araw.
