
Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PGB), sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH), ang monitoring, medical response at preventive measures nito kasunod ng 149-percent na pagtaas ng mga pinaghihinalaang kaso ng leptospirosis sa lalawigan.
Ang mga nagdaang bagyo at Habagat ay nagdulot ng malawakang pagbaha, na nagpapataas ng panganib ng impeksiyon. Bilang tugon, mahigpit na mino-monitor ng PGB at PHO-PH ang mga lugar na naapektuhan ng baha at mga evacuation center, habang nakikipagtulungan sa mga municipal at city Disease Surveillance Unit para sa wastong pangangalap at pagsusuri ng datos, pagberipika ng mga ulat at aktibong paghahanap ng mga kaso.
Minomonitor din ang mga pampublikong ospital sa buong lalawigan upang matiyak ang mabilis na pamamahala at paggamot sa mga pasyente. Karagdagang suplay ng doxycycline, mga gamot para sa alipunga at iba pang mahahalagang gamot ang ipinamahagi sa mga City at Municipal Health Office, government hospitals, tanggapan ng pamahalaan at iba pang institusyong humihingi ng tulong sa PHO-PH.
Ayon sa PHO-PH Leptospirosis Advisory, nakapagtala ang Bulacan ng 394 na pinaghihinalaang kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Setyembre 5, 2026—malaking pagtaas mula sa 158 kaso na naiulat sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa nakalipas na dalawang linggo lamang, 232 bagong kaso ang naitala, katumbas ng 59 porsiyento ng kabuuang kaso ngayong taon. Apat na pagkamatay na may kaugnayan sa leptospirosis ang naitala, habang lumampas sa 535 porsiyento ang mga kaso sa alert threshold.
Apektado ang mga indibidwal na edad 4 hanggang 76, ngunit pinakamataas ang bilang ng mga kaso sa age group na 25 hanggang 29. Mga lalaki ang bumubuo sa 76 porsiyento o 300 ng kabuuang kaso. Ang pagkakalantad sa tubig-baha ang pangunahing natukoy na ruta ng pagkahawa.
Mula Linggo 1 hanggang 35 ng morbidity surveillance, pinakamataas ang kabuuang bilang ng kaso sa Meycauayan City na may 58, sinundan ng San Jose del Monte City na may 47 at Malolos City na may 39.
Batay naman sa attack rate, nanguna ang Meycauayan City na may 58 kaso at 2.46 attack rate, kasunod ang Bocaue na may 33 kaso at 2.23 attack rate, at Calumpit na may 24 kaso at 1.97 attack rate.
Ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando ang agarang pagpapatupad ng mas mahigpit na preventive measures upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso at maiwasan ang paglala ng sitwasyon sa mga susunod na linggo.
“Dapat din nating paigtingin ang mga hakbang sa sanitasyon at pagkontrol ng daga sa sandaling humupa ang tubig-baha at tiyaking ang bawat komunidad ay may wastong kaalaman tungkol sa pag-iwas at maagang paggamot. Walang pinaghihinalaang kaso ang dapat balewalain o iwanan nang walang wastong atensyong medikal, at hinihimok ko ang ating mga lokal na opisyal at mga manggagawang pangkalusugan na kumilos kaagad upang protektahan ang ating mga komunidad mula sa karagdagang pagkalat,” sabi ng gobernador.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na dulot ng Leptospira. Maaari itong makuha kapag ang mga sugat o gasgas sa balat ay nalantad sa tubig-baha o basang lupang kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular ng mga daga.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo, pananakit ng binti at pamumula ng mata. Sa malalang kaso, maaaring makaranas ng pagbawas o pagdidilim ng ihi. Pinapayuhan ang mga nakararanas ng ganitong sintomas na agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital.
Hinihimok din ang publiko na iwasang lumangoy o lumusong sa tubig-baha. Kung hindi maiiwasan ang pagkakalantad, dapat gumamit ng bota at iba pang protective equipment, at agad na linisin nang mabuti ang katawan matapos malantad sa baha. Dapat ding alisin ang naiwang tubig-baha at panatilihing malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng daga.
Para sa mga indibidwal na nalusong sa tubig-baha nang walang proteksiyon, mayroon man o walang sugat, maaaring magreseta ng doxycycline matapos ang pagsusuri ng doktor o health professional sa health center. Ang dosis ay nakadepende sa uri at tagal ng pagkakalantad at sa pagkakaroon ng mga sugat.
Mahalaga ang maagang pagpapatingin sa doktor dahil maaaring maging nakamamatay ang leptospirosis, ngunit mas mataas ang posibilidad ng paggaling kapag nabigyan agad ng naaangkop na medikal na pangangalaga.
elamigo/