
Ni Vhioly Rosatazo
SANTA MARIA, Bulacan — Naglabas ng opisyal na pahayag noong Agosto 4 ang kampo ni Punong Barangay Oscar “Kap JR” Morales Jr. ng Barangay Poblacion upang tugunan ang mga ulat at alegasyong iniuugnay sa kanya nitong mga nakalipas na araw.
Sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Sheila S. Concepcion, mariing itinanggi ng kampo ni Morales ang lahat ng paratang laban sa kanya at iginiit ang kanyang pagiging inosente.
Ayon sa pahayag, kusang-loob na sumuko si Morales sa mga awtoridad, taliwas umano sa ilang ulat na kumalat sa iba’t ibang plataporma. Nilinaw din ng kampo na ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang Punong Barangay at ng kanyang pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.
Ipinaliwanag ng abogado na pinili nilang manahimik sa simula ng proseso upang hindi makaapekto sa patas at malayang imbestigasyon. Aniya, ang kanilang pananahimik ay hindi pag-amin ng anumang pananagutan kundi paggalang sa batas, sa pamilya ng nasawi, at sa tamang proseso ng hustisya.
Sinabi rin sa pahayag na matapos umanong suriin ang mga ebidensiyang iniharap ng mga nagreklamo, napag-alamang wala umanong sapat na factual at legal na batayan ang reklamong isinampa laban sa kanilang kliyente. Dahil dito, sinabi ng kampo na iniutos ang agarang paglaya ni Morales.
Nanawagan din ang kampo sa publiko at sa media na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon. Binigyang-diin nila na ang pagpapakalat ng hindi beripikado, mali, o mapanirang impormasyon ay maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao at maaari ring magresulta sa legal na pananagutan.
Ayon pa kay Atty. Concepcion, pinag-aaralan na rin ng kanilang kampo ang posibilidad ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang mapatutunayang nagpakalat ng maling impormasyon o mapanirang pahayag na nakaapekto sa kanilang kliyente.
Binigyang-diin din sa opisyal na pahayag na ang kusang pagsuko o pagharap sa isang reklamo ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkakasala. Anila, ang isang alegasyon ay nananatiling alegasyon hangga’t hindi ito napatutunayan sa hukuman sa pamamagitan ng sapat na ebidensya at ng due process na itinatadhana ng batas.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang hukuman kaugnay ng usapin. Patuloy namang hinihikayat ng kampo ang publiko na hintayin ang resulta ng legal na proseso at iwasang humatol batay lamang sa mga ulat o impormasyong hindi pa ganap na napatutunayan.
Sa ilalim ng sistema ng hustisya sa Pilipinas, umiiral ang prinsipyo ng presumption of innocence, kung saan ang isang akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa hukuman. Dahil dito, mahalagang manaig ang katotohanan, sapat na ebidensya, at wastong proseso ng batas sa pagresolba ng anumang kaso.