
Ni Vhioly Rosatazo
MALOLOS CITY, Bulacan — Pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga natatanging local government units (LGUs), barangay, nutrition workers, at partner stakeholders sa isinagawang Panapos na Gawain sa Buwan ng Nutrisyon noong Hulyo 31, 2026 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Kinilala sa programa ang mga indibidwal at lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon at pagsusulong ng mas malusog na pamayanan sa lalawigan.
Nanguna sa mga ginawaran ang Bayan ng Bulakan, na tinanghal na Natatanging Bayan sa Nutrisyon at tumanggap ng plaque of recognition at P100,000 cash prize. Pumangalawa ang Munisipalidad ng Guiguinto na may P75,000 cash incentive, habang pumangatlo ang Doña Remedios Trinidad na tumanggap ng P50,000.
Sa Natatanging Barangay sa Nutrisyon, itinanghal na kampeon ang Barangay Pinagtuluyan sa Norzagaray na tumanggap ng plaque at P30,000 cash prize. Pangalawa ang Barangay San Francisco sa Bulakan na may P20,000, habang pangatlo ang Barangay Bagong Barrio sa Pandi na tumanggap ng P10,000.
Kinilala rin si Joana Marie S. Marquez ng Barangay San Francisco, Bulakan bilang Natatanging Lingkod Lingap sa Nayon, at ginawaran ng plaque of recognition at P7,000 cash incentive bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa komunidad.
Samantala, si Maricar M. Parone ng Bulakan, Bulacan ay pinarangalan bilang Natatanging Pambayang Tagapagpaganap ng Nutrisyon. Tumanggap siya ng plaque at P8,000 cash prize para sa kanyang huwarang pamumuno sa pagpapatupad ng mga hakbanging pangnutrisyon sa kanilang bayan.
Nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng Service Awards sa siyam na Lingkod Lingap sa Nayon (LLN), tatlong miyembro ng Technical Working Group (TWG), at Municipal Nutrition Action Officer na si Mary Jane De Leon ng Bustos. Bawat awardee ay tumanggap ng sertipiko ng pagkilala at P5,000 cash incentive bilang pasasalamat sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapabuti ng kalagayang pangnutrisyon ng mga Bulakenyo.
Sa parehong seremonya, iginawad din ang Provincial Green Banner Seal of Compliance sa mga munisipalidad ng Angat, Bocaue, Bulakan, Bustos, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Norzagaray, Obando, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng nutrisyon ng lalawigan at patuloy na pagpapatupad ng epektibong nutrition governance.
Samantala, kinilala rin ang mga Munisipalidad ng Plaridel at Santa Maria sa pamamagitan ng Nutrition Honor Award – Maintenance. Tumanggap ang bawat isa ng plaque of recognition at P5,000 cash incentive para sa patuloy na pagpapanatili ng mataas na antas ng kanilang mga programang pangnutrisyon.
Nagbigay rin ng dagdag na kulay sa pagdiriwang ang Bahay Kubo Cooking Contest, kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang paghahanda ng masustansya at malikhaing putahe gamit ang mga lokal na gulay.
Tinanghal na kampeon ang Munisipalidad ng Calumpit at nag-uwi ng P12,000 cash prize. Pumangalawa ang Bulakan na may P10,000, habang pumangatlo ang Santa Maria na tumanggap ng P8,000.
Bilang dagdag na suporta sa adbokasiya ng lalawigan sa nutrisyon, nagbigay sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro ng karagdagang insentibo para sa mga nanalo sa cooking contest, na nagresulta sa pagdodoble ng kanilang mga premyo. Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na hikayatin ang mga komunidad na isulong ang wastong nutrisyon at malusog na pamumuhay.