
Ulat nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
MAYNILA – Ipinahayag ni Senador Joel Villanueva ang kanyang buong suporta sa Senate Bill No. 1905 o ang panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers, matapos siyang bumoto ng pabor sa panukala na naglalayong kilalanin at palakasin ang kapakanan ng mga Barangay Health Workers (BHWs) sa buong bansa.
Ayon kay Villanueva, matagal nang nararapat na mabigyan ng sapat na pagkilala ang mga BHW na nagsisilbing pangunahing katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng batayang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Bilang co-author at co-sponsor ng panukala, sinabi ng senador na ipinagpatuloy niya ang pagsusulong nito mula pa noong nakaraang Kongreso dahil naniniwala siyang dapat maprotektahan at mapabuti ang kalagayan ng mga Barangay Health Workers.
Nagpasalamat din si Villanueva kay Senador Risa Hontiveros, principal sponsor ng panukala, gayundin kay Senador JV Ejercito, na matagal nang nagsusulong ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga BHW.
Aniya, ang pag-apruba ng panukala sa Senado ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga mambabatas upang higit na kilalanin ang mahalagang papel ng mga Barangay Health Workers sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa.
Binigyang-diin pa ng senador na ang mga BHW ang nagsisilbing “frontliners” sa antas ng barangay, na nagbibigay ng impormasyon sa mga buntis, tumutulong sa mga programa sa pagbabakuna ng mga bata, at naghahatid ng pangunahing serbisyong pangkalusugan lalo na sa mga malalayong at liblib na pamayanan.
Kapag naisabatas, inaasahang magbibigay ang Magna Carta ng mas malinaw na mga benepisyo, proteksiyon, at pagkilala sa libu-libong Barangay Health Workers na patuloy na naglilingkod sa mga komunidad sa buong Pilipinas.
elamigo/