
Ni Vhioly Rosatazo
BULACAN — Mas mapapabilis ang transportasyon ng kargamento sa Luzon sa pamamagitan ng Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Cargo Railway Project, kung saan kinumpirma ng pamahalaan na ang bahagi ng proyekto sa Bulacan ay ilalagay sa ilalim ng mga viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR).
Ayon sa pamahalaan, inaasahang magpapalakas ang proyekto sa sektor ng transportasyon, logistik, at pamumuhunan, habang pinabibilis ang paggalaw ng mga kalakal sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Sinabi ni Joshua Bingcang, Pangulo at Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na halos kumpleto na ang feasibility study ng proyekto, na pinondohan ng US$1.3 milyong grant mula sa Sweden.
Inaasahan namang ang Asian Development Bank (ADB) ang magiging pangunahing tagapondo para sa aktuwal na konstruksyon ng cargo railway.
Sa isinagawang pagpupulong ng Department of Transportation (DOTr) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sinabi ni Provincial Administrator Antonia Constantino na malaking oportunidad ang proyekto para sa lalawigan.
Ayon naman kay Atty. Julius Degala, inaasahang magdudulot ang proyekto ng mas mabilis na transportasyon ng kargamento, pagdami ng mga negosyo at pamumuhunan, paglikha ng mga permanenteng at kontraktuwal na trabaho, at mas mahusay na koneksyon ng Bulacan sa iba pang bahagi ng Luzon.
Samantala, sinabi ni DOTr Assistant Secretary Irish Calaguas na umabot na sa humigit-kumulang 80 porsiyento ang naresolbang right-of-way para sa mga proyekto ng riles sa Malolos at Calumpit sa Bulacan, gayundin sa San Fernando, Pampanga.
Target ng DOTr na makumpleto ang 100 porsiyento ng right-of-way acquisition bago matapos ang taon.
Bahagi ang SCMB Cargo Railway Project ng Luzon Economic Corridor at magsisilbing direktang ugnayan ng Subic, Clark, Metro Manila, at Batangas. Mula Clark hanggang Subic, tatakbo ang linya ng riles sa kahabaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Ang Luzon Economic Corridor ay bunga ng kasunduan ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan at itinuturing ding kauna-unahang proyekto sa ilalim ng Partnership for Global Infrastructure and Investment (PGII) ng Group of Seven (G7).
Layunin ng programa na gawing pangunahing sentro ng pamumuhunan ang Pilipinas sa mga sektor tulad ng semiconductors, artificial intelligence (AI), at critical minerals.
Kabilang sa mga inaasahang malalaking pamumuhunan sa ilalim ng inisyatiba ang Hyundai shipyard sa Subic Bay Freeport Zone at ang Pax Silica development sa New Clark City, Tarlac.
Kapag natapos ang feasibility study at right-of-way acquisition, inaasahang sisimulan na ang konstruksyon ng SCMB Cargo Railway.
Sa oras na makumpleto, inaasahang mapapabilis nito ang paggalaw ng mga kalakal mula sa mga daungan, paliparan, at mga industrial hub sa buong Luzon, na magpapalakas sa kalakalan, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapatatag sa posisyon ng Luzon bilang isang pangunahing sentro ng negosyo at industriya sa Asya.
elamigo/