
Ni Vhioly Rosatazo
BULACAN — Binigyang-diin ni Bokal Art Legaspi ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pangmatagalang kabuhayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang livelihood program na naglalayong magbigay ng bagong kaalaman at pagkakakitaan sa mga mamamayan.
Sa naturang programa, sumailalim ang mga kalahok sa iba’t ibang pagsasanay tulad ng meat processing, paggawa ng longganisa at tocino, soap making, perfume making, at iba pang kasanayang maaaring maging puhunan sa pagtatayo ng sariling maliit na negosyo.
Ayon kay Bokal Art, mas mahalaga ang pagbibigay ng oportunidad na kumita ang bawat pamilya kaysa sa panandaliang ayuda lamang.
Aniya, ang mga natutunang kasanayan ay maaaring magamit ng mga benepisyaryo upang makakuha ng dagdag na kita at mapalago ang kanilang kabuhayan.
Katulong naman ang TESDA trainer na si Ma’am Erlinda Mendoza sa pagsasanay ng mga interesadong lumahok sa livelihood program.
Punong-abala rin si BM staff Dhez Rivete Del Rosario sa paghahanda ng mga kagamitang kinakailangan, dahil laging sinasagot ni Bokal Art ang lahat ng mga sangkap at materyales para sa mga kursong nais matutunan ng mga kalahok.
Nagpasalamat ang mga dumalo sa programa dahil bukod sa libreng pagsasanay ay nabigyan sila ng inspirasyon at pag-asa na makapagsimula ng sariling hanapbuhay.
Marami ang umaasang magagamit nila ang kanilang mga natutunan upang matulungan ang kanilang pamilya at maging mas matatag sa mga hamon ng buhay.
Ang ganitong mga programa ay kaagapay ng layunin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na palakasin ang kakayahan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng skills training at livelihood development upang magkaroon sila ng mas matatag at pangmatagalang pinagkakakitaan. elamigo/
