

Saang sulok man ng mundo, palaging importante ang edukasyon. Hinding-hindi ito puwedeng pabayaan o ipagwalang-bahala lalo na sa pagdating sa paggamit ng pondong pang-edukasyon.
Kahit kailan, parating nasa edukasyon ang tinatawag na “lion’s share” pagdating sa annual budget ng isang pamahalaan. Sa dakong Mindanao, partikular na sa rehiyon ng BARMM, matinding buting-tingan ang diumano’y nagaganap o gaganapin ngayon.
Narito na:
Masusing binubusisi ng Bangsamoro Parliament ang kalagayan ng sektor ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay ng deliberasyon para sa 2026 budget, matapos ilahad ang mga ulat hinggil sa pagpapatupad ng mga programa ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Sa ulat ng Committee on Finance, Budget, and Management, lumitaw diumano ang ilang pagkaantala sa mga proyekto at mabagal na paggamit ng pondo sa ahensya na may hawak ng pinakamalaking bahagi ng regional budget na umaabot sa ₱26.49 bilyon. Sa kabuuan, nasa ₱114 bilyon ang kabuuang budget ng BARMM para sa taon.
Sa papel, malaki ang pondo—at malaki rin ang inaasahan. Pero sa aktuwal na kalagayan ng edukasyon, tila hindi pa ito ganap na nararamdaman sa mga silid-aralan.
Ipinakita rin sa datos ang mga hamon sa kalidad ng edukasyon sa rehiyon, kabilang ang mas mataas na functional illiteracy rate kumpara sa pambansang antas, at ang hindi magandang performance ng mga guro ng BARMM sa licensure examinations. Para sa isang rehiyong may ganitong kalaking pondo sa edukasyon, malinaw na may tanong na kailangang harapin: nasaan ang “return” sa pamumuhunan?
Sa antas ng kolehiyo, nananatiling nakababahala ang mababang enrollment at mataas na dropout rate. Hindi na ito simpleng estadistika lamang—ito ay salamin ng mga kabataang unti-unting nawawalan ng pagkakataon na makapagpatuloy sa pag-aaral.
Ayon pa sa ulat, nananatiling problema ang mga bakanteng posisyon sa ahensya, kabilang ang ilang lumang plantilla items na hindi pa naaaksyunan. Idagdag pa ang mabagal na pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan, pati na ang kakulangan sa kagamitan—mga basic na bagay na dapat sana’y hindi na pinagdedebatehan pa sa ganitong antas ng pondo.
Mas nakakapukaw ng pansin ang isyu ng hindi tugmang financial at physical reports, na tila tahimik pero seryosong paalala na ang usapin ay hindi lang kung gaano kalaki ang budget, kundi kung gaano ito katotoo at kaepektibo sa paggamit.
Sa gitna ng lahat ng ito, napalitan na rin ang pamunuan ng Ministry: si Mohagher Iqbal, dating pinuno ng MBHTE, ay pinalitan ni Abdulraof A. Macacua, kasalukuyang Interim Chief Minister ng BARMM.
At dito pumapasok ang mas malaking tanong na hindi tahasang sinasabi ng mga ulat pero umiikot sa pagitan ng mga linya: sapat ba ang pagbabago ng liderato at pagdinig sa budget kung ang mismong sistema ng pagpapatupad ay pare-pareho pa rin ang mabagal na ikot?
Sa huli, malinaw na ang edukasyon sa BARMM ay hindi kulang sa pondo—kundi madalas, tila kulang sa bilis, pagtutugma, at tapang ng implementasyon.