
Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
STA. MARIA, BULACAN — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, naging malaking ginhawa para sa mga pamilyang nangangailangan ang pamamahagi ng rice subsidy na pinangunahan nina Congressman Salvador Aquino Pleyto, Mayor Omeng Ramos, Bokal Art Legaspi, Bokal Jay De Guzman, Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro sa 24 na barangay ng bayan.
Layunin ng programa na maihatid ang tulong sa mahigit 12,000 kwalipikadong benepisyaryo upang kahit paano ay mabawasan ang gastusin ng mga pamilya, lalo na para sa pagkain.
Para sa maraming kabahayan, ang bigas ay hindi lamang simpleng ayuda kundi direktang tulong sa hapag-kainan ng bawat pamilya. Ang programa ay nagmula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isinagawang pamamahagi, personal na nakibahagi ang mga lokal na opisyal upang matiyak na maayos ang proseso at makarating ang rice subsidy sa mga benepisyaryo.
Ipinakita rin ng pagtutulungan nina Congressman Pleyto, Mayor Ramos, Bokal Legaspi, Governor Fernando at Vice Governor Castro ang kahalagahan ng koordinasyon ng iba’t ibang antas ng pamahalaan sa panahong higit na kinakailangan ng mga mamamayan ang konkretong serbisyo.
Para sa mga nakatanggap ng tulong, malaking bagay ang 10 kilo ng bigas.
Ayon kay Cong. Pleyto, malaking tulong ang rice subsidy sa mga pamilyang kailangang pagkasyahin ang limitadong kita para sa pagkain, kuryente, pamasahe, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan. Mayroon itong tatlong cycle.
Gayunman, higit sa pamamahagi ng ayuda, mahalagang matiyak na ang ganitong programa ay pantay, malinaw at maayos ang pagpapatupad.
Dapat ding malinaw kung sino ang kwalipikadong benepisyaryo, paano nabuo ang listahan at saan maaaring lumapit ang mga hindi naisama ngunit naniniwalang kwalipikado sila.
Mahalaga ring maging bukas ang proseso upang maiwasan ang anumang pagdududa at matiyak na walang karapat-dapat na mamamayan ang naiiwan.
Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo na umuwi nang may ngiting bitbit ang kanilang natanggap na bigas.
Hindi lamang nasusukat sa mga proyekto at programa ang serbisyo ng pamahalaan, kundi sa kung gaano kabilis at kaayos na naihahatid ang tulong sa mga taong nangangailangan.
Sa huli, nagpasalamat din sina Barangay Sta. Clara Kapitan Ato Salvador, Barangay Tumana Kapitan Boyet Dela Cruz at Kapitan Vic Mendoza ng Barangay Buenavista para sa rice subsidy na nagsisilbing pansamantalang tugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga kabarangay.