
Ni Vhioly Rosatazo
MANILA — Kinumpiska ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Pampanga ang ₱21.9 milyong halaga ng mga produktong bakal na hindi sertipikado.
Umabot umano sa 186,329 yunit ng mga substandard na materyales ang nasabat sa pinalakas na operasyon ng DTI sa lalawigan.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamimili at alisin sa merkado ang mga produktong hindi pasado sa pamantayan.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga equal leg steel angle bar at deformed steel bar na walang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) marks.

Ang mga sertipikasyong ito ay mahalaga upang masigurong dumaan ang mga produkto sa kinakailangang safety at quality inspection. Napag-alaman din na kulang ang mga ito sa tamang label, tulad ng pangalan at address ng manufacturer.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng mga stakeholder sa industriya, kabilang ang mga ulat mula sa pribadong sektor.
Sa isang operasyon, nakumpiska ang ₱19.6 milyong halaga ng mga hindi sertipikadong produkto mula sa isang supplier na itinuro ng isang retailer.
Sa hiwalay na operasyon na bunga rin ng ulat sa industriya, nadagdagan pa ito ng ₱2.3 milyong halaga ng mga hindi sumusunod sa regulasyon.
Binigyan ng Notice of Violation ang mga hardware store na nagbenta ng mga naturang produkto at haharap sila sa kaukulang parusang administratibo.
Pinalawak pa ng DTI ang kampanya nito laban sa substandard at pekeng produkto sa pamamagitan ng joint operations kasama ang iba’t ibang ahensya. Noong Marso 24, katuwang ang National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI-SAU), nakumpiska ang humigit-kumulang ₱1.1 milyong halaga ng hindi sertipikadong LED lamp at electric fan.
Kinabukasan, sa pakikipagtulungan naman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nasamsam ang tinatayang ₱25 milyong halaga ng mga pekeng produktong hindi sumusunod sa minimum labeling requirements.
Ayon sa DTI Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB), patuloy ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga mamimili at masigurong patas ang kalakalan sa bansa. Ipinagdiinan din ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang pagbabantay laban sa mga delikadong at hindi sumusunod na produkto sa merkado.
ia/