
Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
LUNGSOD NG MALOLOS – Naging instrumento ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO), sa pagpapauwi sa walong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatakas sa tensyon sa Middle East.
Sa kanilang pagdating sakay ng chartered plane mula Riyadh, Saudi Arabia, sa Villamor Air Base sa Pasay City, inihatid ng PGB ang mga Bulakenyong OFWs, kasama ang kanilang mga pamilya, sa Provincial Capitol building. Dito, binigyan sila ng tig-P10,000 cash assistance, dalawang cavan ng bigas, food packs, at mga kahon ng prutas mula sa The People’s Governor.


Sinabi ni Fernando na masaya siya na nakauwi nang buo at ligtas ang mga makabagong bayani.
“Welcome back po, mga minamahal naming Bulakenyo. Ang isipin po natin ngayon ay kung paano tayo nagkatuwang-tuwang at nagkakaisa habang nandito po kayo,” ani ng gobernador.
Iminungkahi niya na, habang nagpapatuloy ang tensyon sa ibang bansa, maaaring sumali ang mga nakabalik na OFW sa buwanang job fair ng PGB upang makahanap ng trabahong angkop sa kanilang kasanayan.
Samantala, ibinahagi ni PPESO Head Engr. Egbert R. Robles kung paano naglakad sa dilim ang ilan sa mga OFW nang higit 12 oras upang humingi ng tulong, nang hindi tiyak kung makakauwi sila nang ligtas.
Kabilang sa mga nakabalik na OFW ay sina Gracia Cabiles Galungo, Rdhell Lopez Sumang, at Christine Jalimbawa mula sa Lungsod ng San Jose del Monte; Maricel Cabrera Badra, Ana Katrina Caparas Osorio, at Ross Osorio mula sa Paombong; Hannah Marjorie Martinez Cal mula sa Norzagaray; at Manilyn Cortez Ponciano mula sa Bocaue.
Pinasalamatan naman ni Osorio ang gobyerno ng Pilipinas, kabilang ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, ang Department of Migrant Workers (DMW), at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa pagtulong sa kanilang pag-alis at ligtas na paglalakbay pabalik sa bansa.
“Sa haba po ng biyahe na pinagdaanan namin, by land, na hindi po namin alam kung ano ang mangyayari sa amin. Thank you din po, Gov, sa tulong pinansyal. Malaking bagay po ito sa pagbabalik namin dito sa Pilipinas at malaking tulong para sa amin,” ani niya.
Ang tulong pinansyal ay ibinigay din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ng OWWA at DMW.
ia/
