MANILA – Ipinabatid ng PAGASA na nananatiling aktibo ang tatlong sistemang pang-panahon na nagdudulot ng pag-ulan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Batay sa 4 a.m. ulat ng ahensya, magdadala ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog sa Visayas at ilang bahagi ng Palawan, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, at Romblon.
Ang easterlies naman ang magdudulot ng mga pag-ulan at thunderstorms sa Caraga at iba pang bahagi ng Mindanao.
Samantala, patuloy na maghahatid ang amihan ng maulap na panahon at pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, at buong Bicol Region.
Ayon sa PAGASA, may banta ng flash floods at landslides sa mga lugar na makararanas ng tuluy-tuloy o malakas na ulan.
Maulap na kalangitan na may bahagyang pag-ulan ang inaasahan sa Metro Manila at karamihan ng Luzon, ngunit walang inaasahang seryosong epekto sa pang-araw-araw na gawain.
Malalakas hanggang mala-bagyong hangin at maalon hanggang napaka-alon na karagatan ang inaasahan sa silangang bahagi ng Central at Southern Luzon at Visayas, habang mas banayad na kondisyon ng hangin at dagat ang mararanasan sa Mindanao.