MANILA – Hinimok ng Bureau of Immigration ang mga rehistradong foreign national sa Pilipinas na tuparin ang kanilang obligasyon sa 2026 Annual Report na itinakda sa ilalim ng Alien Registration Act.
Ayon sa BI, ang nasabing ulat ay mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng tamang impormasyon at pagsubaybay sa mga dayuhang naninirahan sa bansa.
Batay sa batas, kailangang mag-report ang lahat ng rehistradong dayuhan sa BI mula Enero 1 hanggang Marso 1 ng bawat taon.
Kabilang sa mga kinakailangang isumite ang online registration sa BI e-services portal, ACR I-Card o paper-based ACR, balidong pasaporte, at patunay ng bayad sa Annual Report fee noong nakaraang taon.
Para sa personal na pag-uulat, isasagawa ito sa Robinsons Place Manila, Center Atrium, 3rd Level, mula Lunes hanggang Biyernes, 9 a.m. hanggang 6 p.m., maliban sa holidays.
Samantala, sinabi ng BI na maaaring gamitin ng mga kwalipikadong dayuhan ang virtual Annual Report system na bukas 24 oras kada araw. Maaari ring magbayad online gamit ang iba’t ibang digital payment options.
Dagdag pa ng ahensya, kinakailangang makumpleto muna ang Annual Report bago makakuha ng Emigration Clearance Certificate ang mga dayuhang aalis ng bansa.
