MANILA — Magdadala ng ulan sa malaking bahagi ng bansa ang northeast monsoon o amihan, shear line, at warm easterlies ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa ulat nito kaninang madaling araw, sinabi ng PAGASA na magdudulot ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog sa Western Visayas, Albay, Sorsogon, Masbate, Romblon, Palawan, at Northern Samar. Pinag-iingat ang publiko laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Patuloy namang makaaapekto ang amihan sa Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, natitirang bahagi ng Mimaropa, at rehiyon ng Bicol, na magdadala ng maulap na panahon at pag-ulan. Posible rin ang mga panganib sa mabababang lugar at kabundukan.
Sa Ilocos region, inaasahan ang maulap na kalangitan na may mahinang ulan, ngunit sinabi ng PAGASA na wala itong malaking epekto.
Samantala, makakaranas ang iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies, na maaari ring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa.
Malakas hanggang gale-force na hangin ang mararanasan sa Northern Luzon, na magreresulta sa maalong hanggang napaka-along karagatan, habang mas banayad ang kondisyon ng hangin at alon sa iba pang lugar.
