
Ni Benjamin Cuaresma
MANILA – Maglalabas ang pamahalaang lungsod dito ng ₱476.49 milyon na tulong-pinansyal para sa mga senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) mula Enero 28 hanggang 30, 2026, ayon sa opisyal.
Layunin ng programa na suportahan ang pinakamahihirap at pinakamatinding nangangailangan sa lungsod at tiyakin ang tamang pag-abot ng mga naantalang benepisyo.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, kabuuang 282,040 benepisyaryo ang makakatanggap ng tulong sa tatlong araw ng payout. Ang iskedyul ay nakaayos ayon sa distrito: Distrito 1 at 2 sa Enero 28, Distrito 3 at 4 sa Enero 29, at Distrito 5 at 6 sa Enero 30.
Saklaw ng mga allowance ang mga naantalang buwan: Setyembre hanggang Disyembre 2025 para sa mga solo parents at PWDs, at Oktubre hanggang Disyembre 2025 para sa mga senior citizens. Partikular, 205,505 senior citizens ang makakatanggap ng ₱325.839 milyon, 16,673 solo parents ay makatatanggap ng ₱33.346 milyon, at 49,687 adult PWDs ay makakakuha ng ₱97.458 milyon. Dagdag pa rito, ₱19.845 milyon ang inilaan para sa 10,175 PWD minors.
Binigyang-diin ni Mayor Domagoso na mula Hulyo hanggang Disyembre 2025, nakapaglabas na ang lungsod ng higit ₱700.315 milyon sa allowances at pensyon para sa mga sektor na ito, kabilang ang pondong galing sa lungsod at social pension mula sa pambansang pamahalaan na ipinapamahagi sa Maynila.
“Ibig sabihin po nito, mahigit ₱1.1 billion na po ang nailabas natin mula noong ibinalik tayo ng taumbayan sa pwesto noong June 30, 2025,” ani Mayor Domagoso, muling pinagtibay ang kanyang pangako na suportahan ang mga pinakamahihirap sa lungsod.
ia/
