
Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagsagawa ang Bulacan Police Provincial Office (BPPO) ng isang seremonyal na pagsira sa mga nakumpiskang open pipe at modified muffler bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa polusyon sa ingay at paglabag sa mga batas-trapiko at pangkapaligiran.
Isinagawa ang aktibidad sa Camp General Alejo S. Santos sa Malolos City sa pangunguna ni Police Colonel Angel L. Garcillano, Provincial Director ng BPPO, kasama si Gobernador Daniel R. Fernando, ang Force Commander ng Provincial Mobile Force Company, at mga hepe ng pulisya mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng lalawigan.
Umabot sa 1,654 piraso ng mga improvised at ilegal na muffler ang sinira, bilang patunay ng matibay na pagtutulungan ng kapulisan at mga lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng kaligtasan ng publiko, pangangalaga sa kalikasan, at pagbawas ng labis na ingay sa mga lansangan.
Iginawad din ang mga Sertipiko ng Komendasyon sa ilang opisyal ng pulisya bilang pagkilala sa kanilang huwarang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa maingay na muffler at polusyon sa hangin. Kabilang sa mga pinarangalan sina PLtCol Ismael C. Gauna ng Norzagaray MPS, PLtCol Mark Louie M. Sigua ng Santa Maria MPS, PLtCol Reyson M. Bagain ng San Jose del Monte CPS, PLtCol Jerome Jay S. Ragonton ng Plaridel MPS, at PLtCol Sean C. Logronio ng Pandi MPS.
Binigyang-diin ni Gobernador Fernando ang kahalagahan ng pagtigil sa pagbebenta at paggamit ng mga muffler na labis ang ingay, lalo’t may umiiral nang mga ordinansa sa maraming bayan. Ayon pa sa kanya, kung kinakailangan, aatasan niya si Vice Governor Alex Castro na magpanukala ng ordinansa para sa buong lalawigan.
Aniya, bahagi ito ng adbokasiya para sa Bagong Pilipinas, kung saan mas pinahahalagahan ang disiplina, kaayusan, at paggalang sa kapwa sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga maingay na muffler.
