Ni Ron Guerrero
MAYNILA – Inaasahang makararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes dahil sa patuloy na pag-iral ng tatlong sistema ng panahon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, magdadala ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at mga pulo-pulong pagkidlat at pagkulog sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon. Posible umanong magdulot ang katamtaman hanggang malalakas na ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.
Patuloy namang iiral ang northeast monsoon o amihan sa Cordillera Administrative Region at sa natitirang bahagi ng Cagayan Valley, na magdudulot ng maulap na panahon na may mahihinang pag-ulan.
Makakaranas din ng panaka-nakang mahihinang pag-ulan ang Metro Manila, Ilocos Region, at iba pang bahagi ng Central Luzon dahil sa amihan.
Samantala, ang easterlies ang makaaapekto sa natitirang bahagi ng bansa, na magdudulot ng mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms, partikular tuwing hapon o gabi.
Inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan sa Luzon at sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao. Sa iba pang lugar, magiging mahina hanggang katamtaman ang lakas ng hangin at bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng mga baybaying-dagat.
Dagdag pa ng PAGASA, wala umanong binabantayang low pressure area na maaaring maging bagyo, batay sa ulat nitong alas-2 ng umaga.
